NAGA CITY – DEAD-ON-ARRIVAL ang isang driver matapos pagsasaksakin ng isang food court worker sa Zone 5, Brgy San Buena, Buhi, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Raffy Iriola, 32-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na bago ang nasabing krimen pumunta sa foodcourt ang biktima at ang kaibigan nito ng magkaroon ng mainit na diskusyon sa pagitan ng biktima at suspek na si Anton Dacuba, 20-anyos, residente ng Zone 6, Brgy. San Pedro, sa naturang bayan na nagresulta sa pananaksak nito sa biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na dahil sa insidente, nagtamo ng tama ng saksak sa kanang tagiliran ang biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.

Nabatid din na parehong nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang biktima at ang nasabing suspek ng mangyari ang krimen.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek matapos na boluntaryong sumuko sa mga otoridad.