NAGA CITY – Patay ang isang driver ng motorsiklo at backrider nito matapos magulungan ng isang truck sa Brgy. Concepcion Palasan, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang driver na si Ryan Dela Vega Camacho, 27-anyos, residente ng 4774 Lanzones St San Vicente Ferrer Camarin Caloocan City at ang backrider na si Celeste Linatoc Noche, 38-anyos, residente naman ng Brgy. Dagatan Lipa City Batangas.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng motorsiklo ni Camacho ang kahabaan ng nasabing kalsada patungo sa direksyon ng Lipa City, Batangas nang mawalan ito ng kontrol sa nasabing behikulo na naging dahilan naman para magpagulong-gulong sa kalsada ang mga biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagulungan ng truck ang nasabing mga biktima at hindi man lang tumigil ang driver nito.

Dahil sa pangyayari nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad naman sanang dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit idineklara ring dead-on-arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente lalo na ang pagtunton sa kinalalagyan ng driver ng nasabing truck.