NAGA CITY- Patay ang isang drayber ng motorsiklo matapos mabundol ng jeep sa Brgy. Gulang Gulang, sa nasabing lungsod.

Kinilala ang nasawi na si Teodorico Gamboa Burac, 53-anyos, residente ng 1725 Acacia Street, Campo Subdivision sa naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng jeep na pinagmamaneho ni Rodante Malaluan Magbuhat, 59-anyos, residente ng West Land, Subdivision Employees Village sa nasabing barangay, ang daan patungo sa Lucena City ng mag-overtake ang motorsiklo na pinagmamaneho naman ni Burac.

Ngunit dahil sa mabilis na pagpatakbo ng pinagmamanehong motorsiklo, naging dahilan ito para matumba si Burac at makailalim sa jeep na pinagmamaneho naman ni Magbuhat.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na sinubukan pa sana dalhin sa ospital si Burac ngunit ito ay dineklarang Dead on Arrival ng mga doctor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Magbuhat para sa nararapat na disposisyon.