NAGA CITY- Patay ang driver ng isang van habang sugatan naman ang sampung pasahero nito matapos na makabanggang sa isang truck sa Ragay, Camarines Sur.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMAJ. Ryan Bagasala, Officer-In-Charge ng Ragay MPS, sinabi nito na habang binabaybay ng Van na minamaneho ni alyas Kim ang kahabaan ng barangay F. Simeon sa nasabing bayang patungong Naga City nang aksidente nitong mabangga ang isang truck na patungo naman sa Metro Manila.
Aniya, nakapasok ang van sa linya ng truck na nagresulta sa nasabing aksidente.
Dahil dito, nagtamo ng sugat ang driver ng Van at ang lahat ang pasahero nito ay kaagad na dinala sa ospital ngunit sa kasamaang palad, binawian rin ng buhay ang nasabing driver.
Dagdag pa ng opisyal, pinaniniwalaan na nakaramdam ng antok ang driver ng van habang nagmamaneho.
Samantala, lumalabas naman sa imbestigasyon na nasa tamang linya ang truck nang mangyari ang aksidente.
Kaugnay nito, hindi naman umano maghahain ng kaso ang mga sangkot sa aksidente.
Sa ngayon ay muli naman nagpaalala ang opisyal sa publiko na palaging iwasang magmaneho ng mabilis lalo na kung patungong Ragay dahil prone ito sa mga aksidente.