NAGA CITY-Patay ang isang indibidwal habang sugatan naman ang apat na iba pa matapos araruhin ng isang truck ang isang bahay sa Unisan, Quezon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nawalan umano ng preno ang naturang truck paglampas nito sa pakurbang bahagi ng Provincial Road ng nasabing lugar at sumalpok ito sa isang bahay.
Sa inisyal na imbestigasyon naman ng mga otoridad, lumalabas na dahil sa lakas ng pagbangga ng truck lubhang nasugatan ang driver nito na naisugod pa sa hospital ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.
Samantala, sugatan naman ang tatlo pang pasahero ng nasabing truck at isa sa mga nakatira sa inararong bahay at kasalukuyang nagpapagaling sa hospital.
Kaugnay nang pangyayari, muling nagpa-alala ang Unisan Police Station sa publiko lalo na sa mga dumaraan sa kanilang lugar na mag-menor sa kanilang pagmamaneho lalo na sa mga lugar na accident prone area gaya na lamang sa pinangyarihan ng insidente.
Kadalasan umano na nangyayari ang aksidente dahil sa mabilis na pagmamaneho ng ilang mga driver kahit sa mga alanganin na sitwasyon o alanganin na mga lugar.
Dahil dito, ang pagiging responsableng driver pa rin umano ang kailangan upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.