NAGA CITY – Hindi pabor ang mga driver at operators sa rehiyong Bicol hinggil sa pag-phase out ng mga traditional jeepneys sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Tomas Magallon, Acting Regional President ng Bicol Jeepney Drivers and Operators Federation (BITRAFED), sinabi nito na mayorya sa kanilang grupo ang hindi payag na tuluyang i-phase out ang naturang uri ng jeep.
Batay naman umano sa kanilang naging asssessment, hindi kakayanin ng mga ito ang malaking halaga ng pera na magagastos para sa PUV modernization.
Dahil dito, ang tanging kahiling lamang ng mga ito sa Department of Transportation (DOTr) at sa Senado na pag-aralang mabuti at pag-usapan ng maayos ang nasabing modernisasyon dahil sila ang labis na maaapektuhan dito.
Giit pa nito, dahil sa malaking halaga, hindi nila makakayanan na bayaran ang bagong uri ng pampublikong sasakyan.
Aniya, mas gugustuhin pa ng kanilang grupo na i-repair na lamang ang lumang mga jeep at i-rehab para hindi na kailanganin pa ang tuluyang pag-phase out dito.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Magallon na posible ang modernisasyon, ngunit kinakailangan lamang na magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng DOTr at mga jeepney operators para maging malinaw ang lahat at mabigyan ng solusyon ang mga kanilang mga hinaing.