NAGA CITY – Sinalakay ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) ang isang itinuturong drug den sa Camaligan, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay IAV Mark Anthony Viray, Provincial Officer ng PDEA Regional Office V, sinabi nito na una silang nagsagawa ng buy bust operation kung saan nagkabentahan ng iligal na droga ang poseur buyer at ang suspek na si William Gados, 57-anyos, at ikinokonsidera na kasali sa Provincial Target Listed Drug Personality.
Matapos makumpirma ang transaksiyon, dito na rin ang mga ito nagpakilala na mga ahente pala ang katransaksyon at nakapasok sa bahay ni Gados.
Naabutan din sa lugar ang mag-amang sina Joel Cirada at Tricia Ann Abanes gayundin si Ronald Felicitas na naaktuhang nagbabatak din ng ipinagbabawal na gamot.
Kaugnay nito, nakumpiska ng mga otoridad ang nasa 12 gramo ng iligal na droga at tinatayang aabot sa humigit-kumulang P82,000 gayundin ang iba pang drug paraphernalia.
Samantala, ayon kay Viray, matagal na rin nilang minamanmanan si Gados na isa sa itinuturong supplier ng iligal na droga.
Sa kabila nito, agad namang naaresto ang apat na suspek na ngayon ay posibleng maharap sa patong-patong na kaso dahil sa paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2022.