NAGA CITY – Sinalakay ng mga awtoridad ang isang drug den sa bayan ng Daet, Camarines Norte.
Sa pinagsanib na pwersa ng kapulisan at Philippine Drug Enforcement Agency-Bicol, naaresto ang limang mga suspek na sina Benigno Duran, Drug-den maintainor, 53-anyos; Jessie Batchilier, 32-anyos; Jaime Bon, 50-anyos; Rosalie Rafael, 30-anyos; at Angelica Brizuela, 26-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Edgar Jubay, Regional Director ng PDEA-Bicol, sinabi nito na matagal na nilang minamanmanan ang drug den maintainor na si Duran ayon na rin sa mga sumbong ng mga concerned citizens.
Kaugnay nito, noong Mayo 30, 2023 ikinsa ng mga awtoridad ang buy-bust operation laban sa nasabing suspek at dito na nakumpiska ang nasa P108,800 na halaga ng ipinagbabawal na gamot at iba pang drug paraphernalia na naging dahilan rin ng pagkakaaresto sa apat na bisita ng suspek sa lugar maging ang pagkakadiskubre na nagsisilbi rin palang drug den ang bahay ni Duran.
Binigyang diin naman ng opisyal na walang dating record si Duran maging ang iba pang mga suspek hinggil sa pagkakasangkot ng mga ito sa anuman na iligal na gawain.
Mahaharap naman sa patong-patong na kaso ang suspek na may kinalaman sa paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Jubay na walang nangyayaring pamemeke ng mga accomplishments ng mga awtoridad para lamang sa promotion.