NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos mauwi sa armed confrontation ang isinagawang buy bust operation ng mga otoridad sa Pili, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek sa alyas na Yaba, 37-anyos residente ng Brgy. San Jose, Iriga City, sa naturang lalawigan
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki PLt Fatima Ibias-Lanuza, tagapagsalita ng Pili Municipal Police Station, sinabi nito na gamit ang P500 bill bilang buy bust money, nakabili ang nagpanggap na poseur buyer sa suspek ng isang heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu.
Ayon kay Lanuza, may bigat itong 100 gramo at nagkakahalaga ng halos P300,000 ang nasabing droga.
Kung kaya, ito naman ang naging hudyat para dakpin ang suspek, ngunit bigla na lamang itong bumunot ng baril at nakipagpalitan pa ng putok sa mga otoridad.
Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang suspek na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.
Kaugnay nito, narekober ng mga otoridad sa pinangyarihan ng insidente ang isang caliber .45 pistol; isang stainless magazine na may laman ng dalawang calibre. 45 live ammunitions; dalawang piraso ng caliber 45 fired cartridge cases; dalawang transparent plastic bag na may laman ng pinaniniwalaang shabu; at iba pang mga drug paraphernalia.
Samantala, nabatid din na konektado sa Joey Blanco drug group ang naturang suspek.
Sa ngayon, isasailalim na sa Post-Mortem Examination ang bangkay ng suspek habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.