NAGA CITY-Handa umano ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makipagtulungan sa mga lokal na gobyerno sa pagbibigay ng supplies sa taong-bayan kasunod ng Luzon-wide Enhanced Community Quarantine.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay DSWD-Bicol Director Arnel Garcia, sinabi nito na kahit augmentation support lamang sila, handa umano sila na magbigay ng anumang tulong na kakailanganin at hihilingin ng mga lokal na gobyerno.

Ayon kay Garcia, sakaling mag-lockdown ang isang lugar na mayroong naitalang Person Under Investigation o (PUI) at Person Under Monitoring o (PUM) nariyan at nakahanda pa rin ang kanilang departmento upang sumuporta.

Aniya, gagawin nila ang lahat upang makapag-provide ng mga pangangailangan lalo na sa mga mahihirap.

Dagdag pa nito na nasa mahigit 15,000 food packs na ang nakahanda habang may hinihintay pang nasa mahigit 50,000 na iba pa.

Samantala, ayon pa rito makikipag-ugnayan rin sila sa mga uniformed personnel para sa karagdagang tulong bilang isa sa mga frontliners.

Kung maaalala, kahapon ng ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing Luzon-wide Community Quarantine na tatagal hanggang sa Abril 12,
2020.