Muling iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na dapat maisama ang lahat ng kwalipikadong TNVS drivers at delivery riders sa cash relief assistance ng pamahalaan, kasabay ng pagkuwestiyon sa kakulangan at problema sa isinumiteng listahan ng ilang transport network companies (TNCs).

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, may mga isyu sa listahan na isinumite ng ilang kumpanya kaya may mga driver at rider na hindi naisama sa ayuda, kabilang ang mga rider ng Lalamove.

“Apparently, we got word that Lalamove did not submit or failed to submit on time their listing… So marami sa mga Lalamove riders in particular ang hindi na-accommodate,” ani Gatchalian, at sinabing may inilabas na show-cause order laban sa kumpanya.

Dagdag niya, may isinasagawang special payouts upang matiyak na makakatanggap pa rin ng tulong ang mga apektadong driver, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Advertisement

Ikinabahala rin ng DSWD ang isinumiteng listahan ng Grab dahil umano sa malaking pagkakaiba o “discrepancies” na nagresulta sa pagkakaalis ng maraming driver. Ayon kay Gatchalian, may mga tinatawag na “tempo drivers” o pansamantalang drivers na hindi kumpleto ang dokumento, kaya hindi naisama sa listahan.

Nilinaw niya na hindi tungkulin ng DSWD na mag-regulate ng TNCs kundi magbigay ng tulong, ngunit iginiit na dapat kumpleto at hindi sinasala ang listahan ng mga driver.
“Now is not the time to play games… Walang driver o tsuper ang dapat maiwanan,” giit ni Gatchalian, sabay sabing patuloy nilang pipilitin ang mga kumpanya na isumite ang kumpletong listahan upang mabigyan ng ayuda ang lahat ng karapat-dapat na benepisyaryo.

Advertisement