NAGA CITY- Sinimulan na ng Department of Trade and Industry (DTI)-Camarines Sur ang monitoring para sa Noche Buena products at Christmas decorations sa lalawigan ng Camarines Sur at Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jay Percival Ablan, Provincial Director ng DTI-Camarines Sur, sinabi nito na sinimulan ng ahensya ang nasabing hakbang nitong linggo.

Kung saan, tinututukan nila ang pagsunod ng mga retailer sa quality markings o Philippine National Standards ng mga Christmas decorations partikular na ang mga Christmas lights.

Kaugnay nito, muling hinimok ni Ablan ang mga negosyante na sumunod sa mga alituntunin upang maiwasan ang paglabag sa batas, at tatangkilikin din umano ng mga mamimili ang kanilang mga produkto.

Dagdag pa ng opisyal, tinitingnan din nila ang supply level at kung sinusunod ba nila ang price guide sa naturang mga produkto.

Aniya, tumataas talaga ang demand ng mga produktong Noche Buena tuwing papasok ang kapaskuhan at ilang araw bago ang bagong taon.

Kung kaya, hinimok ni Ablan ang mga mamimili na maging vigilante sa pamimili at maaari umano silang magreport sa kanilang tanggapan kung sakaling lumampas ang presyo sa itinakdang presyo.

Sa ngayon, tiniyak na lamang ng opisyal na tuloy-tuloy ang kanilang pag-iiko at monitoring sa presyuhan ng Noche Buena products at maging ng mga Christmas decorations ngayong Holiday season upang maiwasan Ang anuman na paglabag.