Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na nananatiling stable ang presyo at suplay ng mga pangunahing produkto sa kabila ng mga krisis o kalamidad.

Sa panayam ng Bombo radyo Naga kay Jay Ablan, Jay Percival Ablan, Provincial Director, Department of Trade and Industry – Camarines Sur, sinabi nito na regular ang kanilang isinasagawang monitoring upang masiguro na walang magiging kakulangan sa merkado. Sa Metro Manila, sapat pa ang suplay para sa susunod na dalawang buwan, habang sa lokal na merkado ay may nakahandang stock na tumatagal ng tatlong hanggang apat na linggo.

Gayunman, aminado ang DTI na may epekto ang pagtaas ng presyo ng krudo sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs). Kabilang dito ang dagdag na gastos sa delivery na umaabot mula 5 hanggang 15 porsyento ng kabuuang halaga ng produkto. Apektado rin ang mga MSMEs na may buyers mula sa Metro Manila, Cebu, at iba pang bahagi ng bansa dahil sa mataas na transport cost. Maging ang ilang sektor ng produksyon na umaasa sa fuel at kuryente ay nakakaranas ng dagdag na pasanin.

Sa kabila nito, nakikita ng DTI ang renewable energy bilang mahalagang solusyon upang mabawasan ang sobrang pagdepende ng bansa sa imported na fuel. Sa kasalukuyan, may operational na 500 megawatts na solar power plant, at inaasahan pang madaragdagan ng mga proyektong offshore renewable energy sa San Miguel Bay Area na nagkakahalaga ng trilyong piso.

Advertisement

Ayon sa ahensya, panahon na para tutukan ng pamahalaan ang alternatibong enerhiya gaya ng solar at wind power, pati na rin ang paggamit ng electric vehicles, upang magkaroon ng kontrol sa presyo at hindi lubos na maapektuhan ng pandaigdigang pagtaas ng presyo ng krudo.

Advertisement