NAGA CITY – Nagbigay ng ilang tips ang pamunuan ng Department of Trade and Industry Camarines Sur para makatipid ang mga mamimili lalo na sa mga bibili pa lamang ng school supplies.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jay Percival Ablan, Provincial Director ng DTI-Camarines Sur, sinabi nito na sa pagbili ng mga gamit pang-eskwela, mas mabuting magkaroon ng listahan upang matiyak na mabibili ang lahat ng kailangan at hindi lalabis ang bibilhing gamit.
Dapat ding konsultahin ang mga mag-aaral o guro sa pagbili ng mga gamit lalo na kung mayroong subject na nangangailangan ng specific na kulay o pages ng notebook.
Nakakatulong din aniya na mag-canvas muna bago bumili para malaman kung saan makakabili ng mas mura at makahanap ng mga naka sale o bundle na binebenta.
Hinikayat din ni Ablan ang publiko na i-download ang DTI E-presyo app para mamonitor ang presyo ng mga bilihin at hindi mabiktima ng overpricing.
Ipinapakita rin nito kung aling mga brand ang nag-aalok ng mas mababang presyo at kung aling mga tindahan ang nagbebenta ng mas mura upang malaman ng mga mamimili kung saan sila makakakuha ng mas mura at magkasya sa kanilang badyet.
Pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na laging humingi ng official receipt para sakaling may mga depekto sa mga produktong binili ay maibalik kaagad ng mga mamimili.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtingin sa mga label lalo na ang mga school supplies, dahil base sa regulasyon ng DOH at FDA, dapat mayroong Non Toxic lalo na sa mga krayola, lapis, notebook at iba pa.
Dapat rin na siguraduhin na mayroon ng nasabing label dahil ito ang indikasyon na ang mga ito ay ligtas gamitin lalo na para sa mga bata sa grade school. Dagdag pa rito, ang pagbibigay-priyoridad sa pagbili ng mga produktong Pilipino o produktong gawa ng Pilipinas upang makatulong sa ating mga lokal na may-ari ng negosyo.