NAGA CITY- Nagsimula na rin ang Department of Trade and Industry-Camarines Sur sa pag-monitor sa mga school supply ngayong Hulyo kaugnay nang nalalapit na pagbubukas ng klase para sa SY 2022-2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dir. Jay Percival Ablan, OIC, Provincial Director ng DTI-CamSur, sinabi nito na may Suggested Retail prices o SRP ang DTI para sa ilang mga school supplies kagaya ng notebook, papel, ballpen, eraser, lapis at iba pa.
Ngunit, hindi pa batid kung magpapatupad ng regulasyon sa mga naturang gamit sa eskwela sa naturang lalawigan ngayong pasukan.
Aniya, upang magabayan naman ang publiko sa updated prices ng mga school supplies, maari namang i-download ng publiko ang kanilang mobile application.
Samantala, una na rito, ibinahagi ni DTI Usec. Ruth Castello na hindi mandatory ang pagpapatupad ng SRP sa mga school supplies dahil hindi naman umano ito maituturing na basic and prime commodities.
Ito rin ang dahilan kung kaya hindi rin maaring i-regulate ng ahensiya ang presyo ng naturang mga school supplies.