NAGA CITY – Nilinaw ng DTI-Camsur ang konsepto ng pagpapatupad ng price freeze sa isang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jay Percival Ablan, Provincial Director ng Department of Trade and Industry-Camarines Sur, sinabi nito na sa ilalim ng Price Act, ipinapatupad ang price freeze kapag may deklarasyon ng state of calamity sa isang lugar.
Bukod dito, ang state of calamity ay maaaring ideklara ng local chief executive gaya ng gobernador, mayor o ng Presidente.
Ayon pa kay Ablan, sakaling magkaroon ng deklarasyon ng state of calamity sa isang lugar, dapat ay awtomatikong walang pagbabago sa presyo ang mga pangunahing pangangailangan.
Kahit na ito ay 1% na paggalaw, maaari itong ituring na isang paglabag sa umiiral na mga patakaran.
Ang mga mapapatunayang nagkasala sa paglabag sa nasabing batas ay bibigyan ng notice of violation kung saan sila ay mahaharap din sa parusa mula P5-K hanggang P200-K depende sa dalas ng paglabag at dami ng produktong sangkot dito.
Sa ngayon, hinimok ng opisyal ang lahat na laging sumunod sa mga umiiral na batas upang hindi malagay sa delikadong sitwasyon.