NAGA CITY – Tahasang sinabi ng isang abogado na natatakot si Presidente Rodrigo Duterte na madiskobre ni Vice Presidente Leni Robredo ang mga maseselang impormasyon sa loob ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Ricky Tomotorgo, Propesor sa Ateneo De Naga University, sinabi nitong lumalabas na tila nangangamba ang administrasyon na malaman ni Robredo ang mga dahilan kung bakit hindi basta nahuhuli ang mga malalaking drug lords at kung bakit patuloy itong nakakalusot sa bansa.
Ayon kay Tomotorgo, kung malaman ng Bise Presidente ang mga dahilan sa likod nito, magbibigay aniya ito ng malaking problema sa Pangulo.
Aniya, dahil sa paghingi ng Bise Presidente sa listahan ng mga high value target kung kaya nagpanic ang mga opisyal na malalapit sa Pangulo at nanindigang hindi ito ibibigay sa opisyal.
Kaugnay nito, nagkaroon aniya ng dahilan ang Presidente na tanggalin ng mas maaga si Robredo bilang co-chairperson ng ICAD.