Umabot na sa mahigit 200 katao ang nasawi sa lumalalang Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo at Uganda sa loob lamang ng unang buwan ng pagkalat nito, ayon sa Africa Centres for Disease Control and Prevention (Africa CDC). Tinatayang nasa 35,000 katao rin ang posibleng nakasalamuha ng mga nahawahan, dahilan upang ituring itong pinakamalalang Ebola outbreak sa yugtong ito ng pagkalat.

Ayon kay Dr. Wessam Mankoula, medical epidemiologist ng Africa CDC, nakapagtala na ng 894 kumpirmadong kaso ng Ebola, tatlong beses na mas mataas kumpara sa outbreak sa Uganda noong 2000 na may 281 kaso lamang sa kaparehong panahon.

Pinaniniwalaang mas mataas pa ang tunay na bilang ng mga kaso dahil noong Mayo 15 lamang opisyal na nakumpirma ang outbreak kahit na pinaghihinalaang nagsimula ito ilang linggo bago iyon. Tumaas din ng 38 porsiyento ang bilang ng mga kaso kumpara noong nakaraang linggo at kumalat na ito sa 32 health zones sa silangang bahagi ng Congo.

Ang kasalukuyang outbreak ay dulot ng bihirang Bundibugyo virus strain ng Ebola, na wala pang aprubadong bakuna o lunas. Hindi rin agad ito natukoy sa mga unang araw ng outbreak dahil hindi ito kabilang sa mga unang isinagawang pagsusuri.

Advertisement

Sa kabila nito, 74 pasyente na ang gumaling mula sa sakit sa Congo at Uganda. Kasalukuyan namang isinasailalim sa pag-aaral ang mga experimental treatment gaya ng monoclonal antibodies para sa Bundibugyo strain.

Mahigit 90 porsiyento ng mga kaso ay naitala sa lalawigan ng Ituri sa silangang Congo. Mayroon ding mga kaso sa North Kivu at South Kivu, habang kumalat na rin ang sakit sa karatig-bansang Uganda kung saan nakapagtala ng 19 kumpirmadong kaso at dalawang nasawi.

Advertisement