Pinag-aaralan ng Gabriela Women’s Party ang posibilidad ng pagsasampa ng disbarment case laban sa abogado na si Atty. Ferdinand Topacio matapos ang umano’y misogynistic na pahayag nito laban kay Sarah Elago, ayon sa pahayag ng mambabatas nitong Lunes.

Ayon kay Elago, isa sa mga opsyon na tinitingnan ng kanilang legal team ang paghahain ng disbarment complaint laban kay Topacio matapos ang kontrobersyal nitong komento habang ipinagtatanggol si Jesus ‘Bong’ Suntay sa isang radio interview.

Sa naturang panayam, sinabi ni Topacio na “wired” umano ang mga lalaki na magkaroon ng sexual desires at idinagdag pa na dati rin umano siyang nagkaroon ng pagnanasa kay Elago, kahit hindi raw siya alintana kung may magalit sa kanyang pahayag.

Dahil dito, binatikos ng Gabriela Women’s Party ang sinabi ng abogado at tinawag itong halimbawa ng misogyny laban sa kababaihan.

Advertisement

Sa isang panayam sa ABS-CBN News, sinabi ni Elago na kasalukuyang pinag-aaralan ng kanilang grupo ang posibleng legal na hakbang laban kay Topacio upang panagutin ito sa kanyang sinabi.

Bukod dito, isinusulong din ni Elago ang pag-amyenda sa Safe Spaces Act upang magkaroon ng mas malinaw na parusa laban sa mga opisyal ng gobyerno na lalabag sa nasabing batas.

“Nakakagigil. Sa totoo lang, nakakapandiri na mismong mga abogado pa ang lumalabag sa mga ganitong prinsipyo,” ani Elago.

Dagdag pa niya, nais nilang maging inspirasyon ang insidenteng ito upang mas mahikayat ang mga kababaihan na magsalita at labanan ang kultura ng sexism at misogyny sa lipunan.

Advertisement