NAGA CITY- Arestado ang isang lalaki sa ikinasang buy bust operation ng mga awtoridad.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jr” 37-anyos, nagtatrabaho sa terminal at empleyado ng City Hall.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni PLtCol. Chester Pomar, talasalitaan ng Naga City Police Office, sinabi nito na naaresto ang suspek dahil nakunan ito ng ipinagbabawal ng gamot. Kung saan, nakumpiska sa suspek ang 9 na sachet at 8 na iba pa ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga P6,800.
Maikokonsidera naman umanong high value individual si alyas “Jr” dahil ito ay empleyado ng lokal na pamahalaan ng lungsod.
Kaugnay nito, nagbabala naman ang opisyal na dapat itong magsilbing paalala sa lahat dahil wala umano silang pinapalampas.
Samantala, ayon naman kay Naga City Administrator Elmer Baldemoro, nakarating na sa kanilang opisina ang nasabing impormasyon kaya otomatiko itong tatanggalin sa trabaho dahil kailangan umanong harapin ng suspek ang kanyang kaparusahan sa maling gawain.
Nag hinayang rin ang opisyal dahil ang naturang suspek ay isang job order at mahigit 6 na taon ng nagtatrabaho sa Lokal na gobyerno ng Naga.
Dagdag pa ng opisyal, nagulat din sila dahil nagsasagawa rin sila ng drug test ngunit mayroon pa ring mga nakakalusot at nagpositibo sa naturang paggamit ng ilegal na droga.