NAGA CITY- Nagpapatuloy ngayon ang isinasagawang hot pursuit operations ng mga otoridad matapos makabakbakan ng mga tropa ng gobyerno ang mga rebeldeng grupo sa Sitio Kalabintian, Barangay Cagsiay 3, Mauban, Quezon.
Kinilala ang ilan sa mga nakasagupa ng mga militar na sina alyas Termo, Tony, Igpaw,Jerry at iba pang 16 na kasamahan nito.
Sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), sinasabing habang nagsasagawa ng combat operations ang Armed Forces of the Philippines (AFP)-1st Infantry Battalion, Philippine Army sa lugar ng mangyari ang sagupaan sa pagitan ng mga ito.
Tinatayang namang nagtagal ang engkwentro nang mahigit 30 minutos.
Kaugnay nito, narekober rin sa mga ito ang ilang mga kontrabando tulad ng isang generator set, limang litrong gasolina, mahigit 15 kilos na bigas at isang NPA booklet.
Samantala, pinaniniwalaan namang ilan sa mga ito ang nasugatan dahil sa naiwang bakas ng dugo sa pinangyarihan ng nasabing engkwentro.