NAGA CITY- Naitala ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at makakaliwang grupo sa bayan ng Lagonoy, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maj. Frank Roldan, Chief – DPAO 9th ID, sinabi nito na nangyari ang engkwentro sa isang sitio sa Barangay Loho sa nasabing bayan kung saan maraming mga gamit an nakuha ng mga kasundaluhan gaya na lamang ng mga pampasabog, cellphones, radyo, duyan maging mga personal belongings.
Dagdag pa nito, sa impormasyong nakarating sa kanila galing sa isang nagmamalasakit na sibilyan mayroon umano silang nakikita sa lugar na mga armado na hindi bababa sa lima ang bilang kung saan nakumpirma rin ito ng mga dating rebelde na nasa kustodiya ng kanilang hanay.
Kaya naman noong nagkaroon umano ng combat operation ay nauwi na ito sa engkwentro, kung saan narekober ang mga nasabing kagamitan.
Ayon pa kay Roldan, mayroong mga na-rescue na mga residente sa lugar na kung hindi umano naging maingat ang kanilang operasyon ay pwedeng madamay ang mga ito.
Base naman sa ipinalabas na detalye ng 95th Infantry Division of Philippine Army na mayroong mga naisalbang na sibilyan sa nasabing engkwentro at ito ay kabuuang 10 mga sibilyan na binubuo ng 6 na matatanda at 4 na menor de edad, kung saan ang mga ito ay nakuha sa pinangyarihan ng engkwentro at dinala sa Barang Council ng Barangay Loho.
Binigyang-diin pa ng opisyal na base pa sa report na kanilang natanggap, ang mga naturang grupo ay nagsasagawa ng pangingikil o paghingi ng rebolusyonaryong buwis sa may mga maliliit na negosyo sa lugar.
Kaugnay nito, nagtagal umano sa 5 hanggang 10 minuto ang nasabing bakbakan at matapos nito ay pumunta sa magkakaibang direksiyon ang mga naka-engkwentro ng mga tropa ng gobyerno.
Samantala, ayon pa kay Roldan wala naman naitalang nasugatan sa kampo ng kasundaluhan subalit inaalam pa umano nila sa panig ng kampo ng naka-engkwentro ng kanilang grupo kung saan patuloy pa rin ang kanilang pursuit operasyon kaugnay sa nangyari.
Sa ngayon, nagpasalamat na lamang si Roldan sa mga taong aktibong sumusuporta sa kanilang kampanya para matuldukan na ang insurhensiya na higit limang dekada ng nagpapahirap sa mga tao, at para naman sa mga impormasyong ipinaabot sa kanilang kampo ay naiuuwi umano ito sa matagumpay na operasyon.