NAGA CITY – Nagkasagupa ang tropa ng pamahalaan at mga rebeldeng grupo, Huwebes ng umaga sa Barangay Caorasan sa bayan ng Bula, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Rolando Kalagui, hepe ng Bula Municipal Police Station, sinabi nito na nangyari ang nasabing sagupaan habang nagsasagawa ng Combat operation ang kanilang Counterpart na mga sundalo sa boundary ng Brgy. Balatan at Brgy. Caorasan sa nasabing bayan.
Aniya, sa kasagsagan ng palitan ng putok na nangyari malapit sa ilog na bahagi ng nasabing barangay ay tumakbo ang ilang mga rebelde malapit sa paaralan ng Caorasan National High School, kung saan nagdulot naman ito ng takot at pangamba sa mga guro at mga mag-aaral na nasa lugar nang mangyari ang bakbakan.
Ngunit nilinaw naman ni Kalagui na hindi sa mismong paaralan nangyari ang palitan ng putok dahil nasa 100 kilometro ang distansya ng nasabing paaralan sa pinangyarihan ng engkwentro at dahil nasa open space ang lugar, malakas ang kanilang narinig na putukan.
Kaugnay nito, wala namang body counts o naiulat na binawian ng buhay sa panig ng mga sundalo at ng mga rebeldeng grupo gayundin wala namang naiulat na nasaktan na mga sibilyan matapos ang nasabing bakbakan.
Sa kabilang dako, binigyang diin ng opisyal na walang nakatirang rebeldeng grupo sa nasabing lugar at nagkataon lamang umano na dumaan ang mga ito at natyempuhan ng tropa ng gobyerno.
Ngunit inamin din ni Kalagui na mahirap ang komunikasyon sa nasabing lugar dahil maituturing itong na coastal area kung saan pahirapan na makakuha ng signal sa lugar.
Samantala, naibaba na rin ang mga guro at mga mga-aaral ng Caorasan National High School at nagsagawa na rin ng Psyco-social intervention ang mga kapulisan sa mga ito.
Sa panig naman ng mga sundalo, nag-deploy na ang mga ito ng karagdagang opisyal sa naturang lugar at nagpapatuloy na rin ang kanilang isinasagawang clearing operations.