NAGA CITY- Sang-ayon ang Emerging and Re-Emerging Infectious Diseases (EREID) ng Bicol Medical Center na isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang lalawigan ng Camarines Sur.

Ito’y kaugnay ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nasabing lalawigan.

Sa pahayag ni Dr. Joey Rañola III sa isinagawang press conference ng Bicol Medical Center, sinabi nito na kinakailangan na ngayon na limitahan ang kilos ng tao upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.

Aniya, ang pagsasagawa ng mga mass gatherings ang nakikitang dahilan sa mabilis na pag-akyat ng mga nagpopositibo sa virus.

Samantala, binigyang diin naman ni Rañola ang kanilang papel ay ang magbigay lamang ng rekomendasyon sa posibleng gawing mga hakbang, ngunit nakadepende pa rin ito sa desisyon ng lokal na pamahalaan hinggil sa pagsasailalim ng isang lugar sa mas mahigpit na quarantine classifications.