NAGA CITY – Patay ang dating miyembro ng Philippine Army at dati ring kapitan ng Brgy. Mananao, Tinambac, Camarines Sur habang sugatan naman ang kasama nito matapos na paulanan ng bala sa Barangay Bagacay sa nasabing bayan.
Kinilala ang binawian ng buhay na si Rey Alain Brugada, residente ng Zone 4, Brgy. San Jose, Bombon, habang ang nasugatan na si Mary Jane Mayhay, Head ng Tinambac Public Safety Office, at residente ng Calabanga, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mica Ocampo, residente ng nasabing lugar, sinabi nito na bandang alas-5:20 ng hapon, kahapon, Hunyo 10, 2024 nang makarinig ang mga ito ng putok ng baril sa mismong harapan ng kanilang bahay. Hindi naman nagtagal at nagsunod-sunod na ang putok nito at dahil sa takot agad silang nagtago sa loob ng kwarto.
Masasabi aniya na talagang ang dating opisyal ang target ng mga gunmen na nagresulta sa agaran nitong pagkamatay habang maswerte naman na nakaligtas ang ginang na kasama nito na agad naman umanong humingi ng saklolo, ngunit dahil rin sa takot ng mga residente na baka bumalik pa ang mga suspek ay hindi rin agad nakalabas sa kanilang mga tahanan.
Ayon pa kay Ocampo, hindi nagawang makilala ang dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo dahil nakasuot ang mga ito ng helmet.
Samantala, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing pangyayari lalong-lalo na ang pagkilala sa mga suspek na agad na tumakas matapos isagawa ang krimen at pag-alam sa motibo sa nasabing pangyayari.