
Patuloy nakikipag-ugnayan si dating Senador Antonio Trillanes IV sa International Criminal Court kaugnay ng kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
Aminado si Trillanes na hindi niya ititigil ang ugnayan sa International Tribunal hangga’t hindi pa nahahatulan si Duterte sa kasong ‘crimes against humanity’ na kaugnay ng implementasyon ng programang ‘war on drugs’ noong kanyang panunungkulan bilang pangulo.
Bagama’t hindi direktang tinukoy kung opisyal ang kanyang pakikipag-ugnayan sa ICC, sinabi ni Trillanes na ito ay bahagi ng kanyang dating inisyatiba sa paghain ng komunikasyon laban sa dating pangulo. Nanindigan rin ang dating senador na wala siyang ginawang mali o ilegal sa pakikipagtulungan sa mga imbestigador ng tribunal, at naniniwala siyang may katotohanan ang mga alegasyon tungkol sa libu-libong nasawi noong panahon ng administrasyong Duterte.













