NAGA CITY- Nakatakda na maghain ng kanyang Certificate of Candidacy si dating VP at Atty Leni Robredo bukas, October 5, 2024 kasama ang buong line up nito sa Team Naga sa ilalim ng Liberal Party.
Maaalala, tinuldukan na ngayong araw ni Robredo ang mga haka-haka para sa darating na 2025 midterm elections matapos na pormal na ianunsyo na tatakbo ito bilang alkalde ng Naga City.
Sa isinagawang press briefing ni Former VP Leni Robredo, sinabi nito na pinili nito ang local post dahil mas excited umano ito na magsilbi sa lungsod ng Naga.
Aniya, alam nito ang kanyang kapasidad at naging miyembro na nang Congress taong 2013 gayundin sa Executive and Legislative branch.
Sa katotohanan umano, noong buwan pa ng June at July nagpahiwatig na ang dating bise-Presidente na hindi ito tatakbo sa pagka-Senador ngunit tila walang nagseseryoso sa kanyang pahayag.
Humingi naman ng paumanhin si Robredo matapos na matagalan ang kanyang formal announcement na dapat ay noong Oktubre 1 ngunit binigyang diin nito na kailangan muna nitong kausapin ang lahat ng taong involve upang maging maayos ang kanyang pagtakbo sa pagka-alkalde ng Naga City.
Kasabay nito, inamin naman ni Robredo na hindi lahat nasiyahan sa kanyang desisyon na tumakbo sa local post dahil mayroong nagpahayag umano ng kanilang disgusto ngunit buo ang loob ni Robredo sa kanyang plano.
Nais rin nito na maging transparent ang kanyang pagtakbo at itaguyod ang Good Governance sa lungsod ng Naga gaya na lamang noong Mayor pa ng Naga ang asawa nito na si Former DILG Secretary and Former Naga City Mayor Jesse Robredo.
Sa ngayon, tiniyak na lamang ni Robredo na sabay-sabay ang kanyang buong team sa paghahain ng Certificate of Candidacy bukas, bandang alas 10 ng umaga.