Face to face classes posibleng ipatupad sa lungsod ng Naga
NAGA CITY- Pinag-aaralan na ngayon ng Department of Education- Naga kung itutuloy ang itinutulak na limited face to face classes sa mga piling paaralan sa lungsod ng Naga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Manny De Guzman, Schools Division Superintendent kan DepEd-Naga, sinabi nito na nakahanda na sana sila na simulan noong nakaraang buwan ang pilot testing ng limited face to face classes sa mga piling paaralan sa lungsod.
Ngunit, naantala ito dahil na rin sa pagdating ng bagong strain ng COVID-19 sa Pilipinas na nagdagdag sa pagkabahala ng mga tao.
Nabatid na ang Teodora Moscoso Elementary School sa Barangay Carolina sa nasabing lungsod ang nag-iisang nabigyan ng permiso na magkaroon ng face to face classes.
Kung maaalala, buwan ng Disyembre noong nakaraang taon nang bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing permiso.
Ayon kay De Guzman, kung sakaling matuloy ang face to face classes posible umanong kasabay rin nito ang pagdami ng mga tao sa labas ng kanilang mga bahay kung kaya kinakailangan rin ng gobyerno na luwagan ang ilan sa mga patakaran tulad na lamang sa transportasyon.
Sa likod nito, kung si De Guzman aniya ang tatanungin, mayroon namang kalidad sa pagkatuto ng mga estudyante ang implementasyon ng distance learning ngayon na pandemya.
Samantala kung ikukumpara aniya ang dalawang pamamaraan ng pag-aaral mas maganda umano kung itutulak na ang pagkakaroon ng face to face learning modalities sa mga paaralan sa bansa.