NAGA CITY – Patay ang isang factory worker matapos na malunod sa isang beach resort sa Balatan, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Joevel Silvestre, 45-anyos, residente ng San Felipe, Naga City
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpl. Michael Ilibado, ang Public Information Officer ng Balatan Municipal Police Station, sinabi nito na ayon sa naging imbestigasyon ng kanilang himpilan sa insidente nakita na lamang umano ng isang guest rin sa nasabing resort ang katawan ng biktima na nagpapalutang-lutang sa mababaw na bahagi ng dagat na sakop ng Brgy. Pararao sa nasabing bayan.
Kaugnay nito, agad naman umanong rumesponde ang dalawang lifeguard ng resort at nilapatan ng paunang lunas ang biktima bago ito itinakbo sa pagamutan para sa karampatang asistensya medikal ngunit sa kasamaang palad ideklara rin itong dead-on-arrival ng attending physician.
Samantala, ang nasabing drowning incident naman umano ang pinaka-unang kaso ng pagkalunod na naitala sa nasabing bayan ngayong taon.
Sa ngayon, muli namang nagpaalala ang opisyal sa publiko na palaging maging maingat at sumunod sa mga panuntunan na ipinapalabas ng mga awtoridad at ng lokal na pamahalaan ng Balatan upang maiwasan ang katulad na insidente.