
Ipinahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 1.7 ang fertility rate ng mga kababaihang Pilipino batay sa 2025 National Demographic and Health Survey, mas mababa sa replacement level na 2.1 at nagdudulot ng pangamba sa paglago ng populasyon sa hinaharap.
Ayon sa pinakahuling ulat ng PSA, patuloy ang pagbaba ng fertility rate sa bansa mula 4.1 anak kada babae noong 1993 hanggang sa kasalukuyang 1.7—ang pinakamababang naitala sa kasaysayan.
Mas mababa na rin ito sa tinatawag na replacement level na 2.1, na kinakailangan upang mapanatili ang kasalukuyang bilang ng populasyon. Dahil dito, lumilitaw ang mga usapin hinggil sa posibleng epekto nito sa hinaharap na lakas-paggawa at paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sa datos, kapansin-pansin ang pagbaba ng fertility rate sa parehong urban at rural na lugar. Naitala sa 1.5 anak kada babae ang nasa lungsod, habang 2.0 naman sa mga komunidad sa kanayunan.
Pinakamataas ang fertility rate sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 2.4 anak kada babae, samantalang kabilang sa may mabababang antas ang Region IV-A, National Capital Region, at Negros Island Region na nasa pagitan ng 1.3 hanggang 1.4.
Ipinakita rin ng survey na mas pinipili na ng maraming kababaihan na ipagpaliban ang pagkakaroon ng anak. Karamihan sa mga panganganak ay nagaganap sa edad 25 hanggang 29, habang nananatiling mababa ang adolescent fertility rate sa 22 panganganak kada 1,000 kababaihang may edad 15 hanggang 19.
Bumaba rin ang kaso ng teenage pregnancy, kung saan 4.9% na lamang ng mga kabataang babae ang nakaranas ng pagbubuntis.
Dagdag pa rito, 57.3% ng mga may-asawang kababaihan ang nagsabing ayaw na nilang dagdagan ang kanilang anak, kumpara sa 13.4% na nagnanais pang magkaanak sa loob ng susunod na dalawang taon.
Tumaas din ang paggamit ng modern contraceptives sa 44.5%, indikasyon ng mas malawak na access at kamalayan sa family planning.
Saklaw ng 2025 NDHS ang halos 30,000 kababaihan edad 15 hanggang 49 mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Samantala, iniulat din ng PSA na ang average annual family income noong 2023 ay nasa P353,230, habang ang average family expenditure ay P258,050—mga salik na itinuturing ding nakaapekto sa desisyon ng mga pamilya hinggil sa bilang ng kanilang anak.













