NAGA CITY – Magkakaroon ng bagong kategorya si Miss Bicolandia ngayong taon.
Matatandaang nauna nang inihayag ng mga komite ng aktibidad na ibinaba ang height requirements para sa event mula 5’4 hanggang 5’3. Ang age limit naman ay binago din mula 26 hanggang 28 taong gulang.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Ice Badong, Recruitment head ng Miss Bicolandia 2024, na ngayong taon ay nagdagdag sila ng kategorya, ang Festival Costume. Gayunman, iginiit nila na hindi dapat magkaroon ng anumang pagkakahawig ang costume sa damit ng Santo lalo pa’t hindi bahagi ng mga aktibidad ng simbahan ang Miss Bicolandia.
Ang tema ngayong taon ay Naga Youth Colors, at magbibigay din sila ng mga premyong salapi sa mga nanalo para hikayatin ang mga designer na lumahok. Ang mananalo sa best in festival costume ay tatanggap ng P30-K habang ang pinakamahusay na designer ay tatanggap naman ng P20-K.
Layunin nito na pag-isipang mabuti ng mga kandidato, handler at designer ang kanilang mga kasuotan sa festival na magpapakita rin ng iba’t ibang pagdiriwang sa Rehiyon ng Bicol.
Paliwanag ni Badong, ibinaba ang height limit dahil inalis na ito ng ilang national pageant tulad ng Miss Universe Philippines sa requirements ng mga gustong sumali. Tinaasan din nila ang limitasyon sa edad para sa parehong dahilan.
Gayunman, iginiit ng opisyal na hindi nila ito maaaring alisin ng tuluyan dahil may iba pang national pageant na napanatili ang kanilang mga requirements para sa kanilang mga kandidata. Sa ganitong paraan, kung ang isang kandidata ay ayaw sumali sa Miss Universe, maaari siyang sumali sa iba pang mga pageant na kanyang napili.
Kasabay ng paglilibot ng mga pageant committee sa iba’t ibang bayan at probinsya, humihingi din sila ng tulong sa LGU o Provincial Government para sa kanilang mga kandidata lalo pa’t alam nilang hindi mura ang pagsali sa mga naturang pageant.
Sa kabilang banda, ayon kay City Councilor Joe Perez, isasagawa rin ang screening sa Agosto 31, kung saan sila rin ang pipili ng mga kandidata. Sa Setyembre 4, magsisimula ang mga aktibidad kung saan lalahok ang mga kandidato. Pipili lamang sila ng 20 kandidato para sa Miss Bicolandia crown ngayong taon.