NAGA CITY – Mahigit 100 tonelada ng tilapia ang namatay sa Buhi, Camarines Sur matapos ang nangyaring fish kill.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mark Nazzarea, tagapagsalita ng LGU-Buhi, Camarines Sur, sinabi nito na nitong mga nakaraang araw ay may naitalang fish kills sa kanilang bayan at sa loob lamang ng isang araw ay 69 na ang mga operator ang naapektuhan. Umabot naman sa humigit-kumulang 104 tonelada at may lawak na 10,450 square meters na may tinatayang P8,980,100 ang naitalang pinsala.
Kahapon lamang ay may mga ulat din sa Brgy. Santa Cruz sa nasabing bayan na mayroon na ring naitalang posibleng kaso ng fish kill. Habang noong Hulyo 26, lima hanggang 6 na barangay na ang naapektuhan ng fish kill.
Dahil dito, inaasahang tataas ang bilang ng pinsalang maiitala sa mga susunod na araw.
Samantala, ang ibang mga fishing operator ay nagsagawa na ng emergency harvest upang maiwasan ang mas malawak na pinsala.
Nagsimula ang insidente nang bumuhos ang malakas na ulan na posibleng nagdulot ng kaguluhan sa mga isda sa ilog.
Napag-alaman din sa resulta ng BFAR test na mababa ang dissolved oxygen sa mga lugar kung saan nagkaroon ng fish kill.
Samantala, kung sakaling maapektuhan ang mga small time operator sa ganitong mga insidente, obligado silang mangutang o maghintay ng pondo para muling magkaroon ng stock sa kanilang mga fish cage.