NAGA CITY- Kanselado na ang lahat ng flights ng Boieng 737 airplanes matapos ang pagbagsak ng isa sa mga eroplano nito sa lungsod ng Wuzhou, China.

Mababatid na bumagsak ang Boeing 737 sa kabundukang bahagi ng nasabing lungsod lulan ang 132 pasahero kasama ang 9 na crew.

Kaugnay nito, ipinag-utos na ni President Xi Jinping ang malawakang search and rescue efforts sa posibleng mga survivor sa bumulusok na eroplano ayon kay kay Bombo International News Correspondent Machelle Adigue-Ramos, mula sa nasabing bansa, sa panayam ng Bombo Radyo Naga.

Aniya, puspusan pa rin ang paghahanap sa mga biktima sa nasabing insidente ngunit sa kasamaang palad wala pa ring nadidiskubreng mga survivors hanggang sa mga oras na ito at kasabay ng rescue operation ay ang paghahanap rin sa blackbox ng nasabing eroplano.

Pahirapan naman ang pag-trace sa mga labi ng mga biktima dahil lumiyab ang nasabing eroplano nang bumulusok ito na nagresulta naman ng wildfire.

Dagdag pa dito, bumuo na rin ng siyam na working groups ang pamahalaan sa bansa upang tumugon sa pangangailangan ng pamilya ng mga biktima.

Sa ngayon, malawakan na ang imbestigasyon at pagtukoy sa sanhi ng plane crash.

Samantala, wala namang naitalang nadamay na mga Pilipino sa nasabing pagbagsak.