NAGA CITY – Binigyang diin ng opisyal ng Bicol Medical Center na ang nauuso ngayong Flirt variant ng COVID-19 ay subvariant ng Omicron.
Sa press conference na isinagawa ng BMC, sinabi nito Dr. Joey Rañola, point person ng BMC para sa Emerging & Re-Emerging Infectious Diseases, na hindi ibig sabihin na pag mayroong bagong variant mas nakakapagtago ito.
Aniya, ang common na nangyayari sa mga virus ay nagmumutate, katulad na lamang ng COVID-19 na palaging nagkakaroon ng bagong variant.
Dagdag pa ni Rañola ang Flirt variant na naobserbahan simula noong buwan ng Enero ay kadalasang makikita sa mga pasyente na nagkaroon ng COVID-19.
Dagdag pa nito na halos parehas rin lang naman ang mga sintomas katulad na lamang ng ubo, sipon, at lagnat na katulad rin sa Omicron.
Ayon pa sa opisyal mas dumami ang kaso ng Covid noong 2022 dahil sa Omicron, ngunit karamihan sa mga ito ay mild cases lamang.
Habang noong Enero ngayong taon, nasa 287 katao ang kanilang tinest para sa COVID-19 sa BMC dahil protocol ito ng kanilang ospital, kung saan ang mga iaadmit ay dapat na sumailalim sa screening para sa nasabing sakit.
Samantala, sa 287 na tinest nasa 187 katao ang nagpositbo sa COVID-19.