NAGA CITY – Naging payapa at matagumpay ang isinagawang Fluvial Procession 2019 ni Nuestra Senora de Penafrancia sa lungsod ng Naga kahapon.
Tumagal ito ng mahigit sa tatlong oras na sinamahan ng milyong mga deboto mula pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pasado alas singko kahapon nang umusad ang Pagoda ni Ina sa Naga river sa tulong ng mahigit sa 100 na mga humilang bangka.
Kahit naging mabagal ang takbo ng Pagoda dahil sa mababaw na lebel ng tubig, nahanapan parin ito ng paraan ng water cluster na pinangunahan ng Philippine Coast Guard (PCG) Camsur.
Bandang alas 6:30 ng hapon natapos ang fluvial procession at sinundan naman ito nang isang misa na pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Caccia.
Sentro ng mensahe ng Papal Nuncio ang pag hingi ng tulong ng mga deboto kay Inang Penafrancia upang makabalik at mapalapit sa kaharian ng Diyos.
Binigyang diin rin nito sa kanyang homiliya na nararapat na maging compassionate at mamuhay ng may pagmamamahal sa kapwa tao at pagkakaroon ng malasakit sa kapaligiran.
Samantala, kahit na naging mahigpit ang pagbabantay ng mga kapulisan at iba pang force multipliers may ilang mga deboto pa rin ang naitalang sugatan dahil sa pakikipagsiksikan ng mga ito sa gitna ng prusisyon, ngunit agad namang nirespondehan ng mga rescue team.