NAGA CITY- Nakarating na sa danlugan sa barangay Dinaga ang imahen ni El Divino Rostro habang sinusundan ito ng imahe ni Señora de Peñafrancia.

Pasado alas-3:00 ng hapon nang matapos ang banal na misa na isinagawa sa Metropolitan Cathedral at kaagad naman na inilabas ang imahen ni El Divino Rostro.

Makalipas ang halos 30 minuto, saka na inilabas sa simbahan ang imahen ni Ina na kaagad namang dinumog ng mga voyador at mga deboto.

Nagin mahigpit naman ang ipinatupad na seguridad ng mga kapulisan, Philippine Army at ilang force multipliers sa kalagitnaan nang nasabing aktibidad.

Dahil sa libo-libong mga deboto, mas natagalan na makausad ang andas ni Ina kung kaya sa oras na alas 4:00 hindi pa ito nakarating sa Danlugan.

Sa naturang Danlugan, naghihintay naman ang Pagoda na sasakyan ng dalawang imahe at ang mahigit sa 100 na mga bangka na hihila rito hanggang sa makabalik sa Basilica Menore.