NAGA CITY – Nakatakda nang magpatupad ng force evacuation sa Sagñay, Camarines Sur sa araw ng Lunes bilang bahagi ng paghahanda sa epekto ng Bagyong Tisoy na pinangangambahang tumama sa Kabikolan.
Sa panayam kay Don Panoy, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng nasabing bayan, sinabi nitong una nilang ililikas ang mga residente mula sa high risk areas gaya ng mga Barangay Patitinan, Bongalon, Sibagwan, Turague at iba pang mga coastal areas.
Maliban dito, nakahanda na rin aniya ang mga paaralan at sports complex ng bayan para gawing evacuation center ng mga residente.
Aniya, natuto na ang mga tao matapos ang trahedyang iniwan ng Bagyong Usman kung saan marami ang binawian ng buhay sa naitalang landslide sa nasabing lugar.
Samantala, naka-standby na rin ang mga rescue units mula sa iba’t ibang ahensya at grupo sa lalawigan habang inatasan din ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang lahat ng mga opisyal sa CamSur na maging alerto para maiwasan ang mga hindi inaasahang pangyayari.