NAGA CITY- Malungkot na ibinahagi ni Camarines Sur 2nd district representative Cong. Lray Villafuerte Jr ang pagpanaw ni dating Governor at Congressman Luis Raymund Villafuerte Sr.
Sa opisyal na pahayag ng kongresista, kinumpirma nito na binawian ng buhay ang ama nito kaninang madaling araw sa St. Luke’s Medical Center.
Ngunit, hindi pa nito nabanggit ang sanhi ng pagkamatay ng nakatatandang Villafuerte.
Kaugnay nito, nagpaabot na rin ng pakikiramay si Albay Gov Al Francis Bichara gayundin ang ilan pang malalapit na kaibigan ng dating opisyal.
Mababatid na 40 taon din itong nanungkulan sa publiko.
Bago pa man ito naging kongresista, una itong naging Assembly man noong 1978 hanggang 1986.
Naging secretary of trade sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos at naging secretary of Government Reorganization sa pamumuno naman ni Pangulong Cory Aquino.
Labing anim na taon din itong nanungkulan bilang gobernador ng Camarines Sur simula taong 1986.
Nanilbihan din ito ng tatlong termino bilang 2nd district representative ng lalawigan simula 2004 hanggang 2013.
Inilarawan naman ni Cong Lray Villafuerte ang ama bilang magaling, respetado at kahanga-hangang lingkod-bayan
Samantala, mababatid na nagdiwang pa lamang ito ng kaniyang ika-86 na kaarawan nito lamang August 29 ng kasalukuyang taon.