NAGA CITY- Binigyang-diin ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri na kailangan ang agarang implementasyon sa mga programa ng pamahalaan upang maiwasan ang malawakang pagbaha na naranasan sa Bicol Region at iba pang lugar sa bansa.

Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Senator Migz Zubiri, sinabi nito na sa kasalukuyang panahon, hindi makakatulong umano na hanggang pagpaplano lamang, kinakailangan ang agarang implementasyon nito lalo pa’t mayroong inaasahan pang bagyo na papasok sa bansa ngayong buwan ng Nobyembre.

Aniya, panahon na umano upang maghanap ng long time solution sa mga Flood Control Project sa Bicol Region matapos nga na maitala ang bilyon na pinsala sa agrikultura, mga naitalang binawian ng buhay, mga nasirang infrastraktura, kabahayan at iba pa sa pananalasa ni Bagyong Kristine.

Para sa Bicol River Basin Development Plan sa Bicol Region, kailangan na tiyakin na efficient ang master plan lalo na sa paggawa ng mga proyekto na makakatulong sa panahon ng kalamidad upang maiwasan ang malawakang pagbaha.

Dagdag pa ni Zubiri, nangangailangan ito ng malakas na political will upang ma-implent ng mabuti upang magawan ng paraan ang master plan para sa epektibong solusyon sa pagbaha.

Tiniyak naman ng opisyal ang tulong sa mga naapektuhan ng Bagyo at kanilang pag-uusapan umano sa ongoing budget hearing ng Senado lalo na pagdating sa budget ng DPWH, DENR ang patungkol sa geo hazard mapping areas upang matukoy ang mga lugar na prone sa landslide o flood prone area.

Samantala, personal na namigay si Former Senate President Senator Migz Zubiri ng 250 sacks ng bigas sa mga residente ng Camsur bilang parte ng kanyang tulong sa mga lugar na naapektuhan ng nagdaang bagyong Kristine. Binili ang bigas mula mismo sa mga magsasaka sa Camsur upang matulungan ang local farmers at masigurong napapakinabangan din ng mga magsasaka ang nasabing donasyon.

Bukod sa Camsur, nauna ng nagbisita ang Senador sa probinsya ng Albay na kung saan namigay din ito ng tulong para sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng bagyong Kristine.