Iginiit ni Energy Secretary Sharon Garin nitong Huwebes na hindi mainam na pansamantalang kunin ng pamahalaan ang operasyon ng mga kumpanya ng langis sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Garin, bagama’t may kapangyarihan ang pamahalaan sa ilalim ng batas na manghimasok sa panahon ng national emergency, hindi praktikal na isagawa ito sa kasalukuyan dahil sa kakulangan ng kakayahan at tauhan.
Ipinaliwanag niya na umaabot sa humigit-kumulang 14,000 ang mga gasolinahan sa bansa at ilang kumpanya ang sangkot sa industriya, samantalang nasa 1,000 lamang ang tauhan ng Department of Energy (DOE). Aniya, matagal nang binitiwan ng gobyerno ang direktang pamamahala sa oil industry at nakatuon na lamang ito sa regulasyon.
Nagbabala rin si Garin na ang biglaang pagbabago sa sistema ay maaaring magdulot ng mas malaking problema, kabilang ang posibleng pagsasara ng ilang gasolinahan at hindi episyenteng operasyon na makaaapekto sa publiko.
Ang pahayag ay kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng national energy emergency, kung saan iniutos ang pagpapatupad ng mga hakbang upang matulungan ang mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis. Nilagdaan din ng pangulo ang batas na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang suspindihin o bawasan ang excise tax sa fuel.
Sa halip na takeover, sinabi ni Garin na maglalabas ang DOE ng karagdagang direktiba sa mga kumpanya ng langis at maghahanap ng balanseng solusyon kung saan parehong magsasakripisyo ang gobyerno at pribadong sektor.
Samantala, umabot na sa mahigit 400 gasolinahan sa buong bansa ang pansamantalang nagsara dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, ayon sa ulat ng pulisya.














