NAGA CITY- Arestado ang isang estudyante na sangkot sa panghuhuthot ng pera matapos ang isinagawang entraptment operation ng mga awtoridad sa Buhi, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na si Normito Janry Gerobin Colecha, 19-anyos, residente ng Zone 1, Sitio Marayag, Barangay San Buena sa nasabing bayan.
Nabatid na isang Grade 11 student ang nasabing suspek sa University of North Eastern Philippines, sa lungsod ng Iriga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpl Jonah Quien, tagapagsalita ng Buhi Municipal Police Station (MPS), sinabi nito na agad nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa nasabing iligal na recruitment at swindling activity ng suspek.
Nabatid din na 18 katao na ang nabiktima nito na karamihan ay mga senior citizen sa nasabing bayan.
Ayon kay Quien, nagpanggap si Colecha na isang abogado at empleyado ng Social Security System (SSS).
Aniya, modus umano ng suspek na hingian ng pera ang mga biktima kapalit ng garantiyang makakakuha agad ang mga ito ng UMID ID, maternity claims at pension sa mga senior citizens.
Kinukuha rin umano ng supek ang mga ATM card nito at nangako pang mabibigyan ng trabaho ang mga nabibiktima.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang nasabing suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.