NAGA CITY – Halos hindi mahulugan ng karayom sa dami ng mga supporters ni Presidential Aspirant Vice President Leni Robredo ang lumahok sa miting de avance o grand rally nito sa lungsod ng Naga dalawang araw bago ang May 9, 2022 election.
Maliban kay Vice President Leni Robredo, kasama din nito ang ka-tandem na si Vice Presidential Aspirant Kiko Pangilinan gayundin ang senatorial slate nito.
Una rito, inaasahang mahigit sa kabuuang 300-K na mga tagasuporta ng Bise Presidente ang dadalo sa naturang aktibidad.
Ang nasabing mga supporters ni VP Leni ay mula pa sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan ng Camarines Sur.
Mababatid na maaga nang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Naga ang kahabaan ng Magsaysay Avenue nitong Martes, Mayo 3 habang suspendido na rin ang lahat ng pasok ng mga empleyado ngayong araw.
Samantala, dumating din ngayong hapon sa lungsod ng Naga si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon at ilang mga kilalang artista gaya na lamang nina Sam Concepcion, Jolina Magdangal, Agot Isidro at Niki Valdez kasama na ang mismong host na sina Ogie Diaz at Mama Loi.
Sa kabila nito, katuwang naman sa pagtiyak ng seguridad dito ang Naga City Police Office, Naga City Incident Management Team (IMT), Naga City EOD and K9 Unit maging ang Public Safety Office.
Nasa 745 na mga deployable PNP Personnel naman ang una nang inilatag, maliban pa rito ang 200 force multiplier at dagdag na 40 personnel na ipinadala mula sa Provincial Regional Office 5.
Kaugnay nito, umaasa ang lungsod ng Naga na walang anumang untoward incident ang maitatala sa nasabing aktibidad.