NAGA CITY – Binigyang pugay ng lokal na pamahalaan ng Basud, Camarines Norte ang grupo ng mga mag-aaral mula sa Basud National High School na sumabak at nanalo sa SEAMO STEM-ED AND STEM Project Competition-isang Research International Competion na isinagawa sa Bangkok, Thailand noong Marso 10-11, 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Hon. Adrian Davoco, ang Municipal Mayor ng nasabing bayan, sinabi nito na magpapalabas umano ng isang resolusyon ang kanilang Munisipalidad bilang pagkilala sa ibinigay na karangalan ng nasabing mga mag-aaral sa kanilang ipinakitang galing sa international stage.
Ayon kay Davoco, ang pagsabak at pagkakaroon ng pagkakataon na mairepresenta ang Pilipinas sa isang International Competition ay hindi madali kung kaya kailangan rin itong mabigyan ng pagpapahalaga ang kanilang mga sakripisyo para sa bansa.
Kaugnay din nito, sa ekslusibong panayam naman ng Bombo Radyo Naga sa apat na mga mag-aaral na sumabak sa nasabing kompetisyon, sinabi ng mga ito na ang kanilang Research Project ay patungkol sa paggamit ng mga modern devices na makakatulong sa mga magsasaka lalo’t higit sa agrikultura at ekonomiya ng Pilipinas.
Highlight umano ng isang device ay ang paggamit ng hydrophonics plant sa aquaculture kung saan environmental friendly, sufficient at cost efficient.
Habang ang isang device naman ay ginawa para makaiwas sa kidnapping incident ang mga mag-aaral.
Sa nasabing kompetisyon, dalawa ang nakapasok-ang Team A2Y na kinabibilangan ng mga mag-aaral na sina Marinel Byani, Danielle Faith Elias, Bruce Jairus Guadines at Ralph Paul Chaezar Ablaneda habang ang isa naman ang Team Lupa na kinabibilangan ng mga mag-aaral na sina James Cedrik Zamudio, James Alfred Flores, Lloyd Arhie Acero at James Carlo Ilan.
Dagdag pa ng alkalde, lagi naman umanong nagbibigay pugay ang kanilang tanggapan sa mga kabataan na nakakapagbigay ng karangalaan sa kanila ngunit sa kaso ng mga mag-aaral sa Basud, itinuturing nila ang mga itong kakaiba kung kaya nararapat lamang ang pagpapalabas ng resolusyon na kumikilala sa mga ito.
Aniya, ang nasabing Research Project ay makakatulong sa komunidad lalo’t higit sa mga magsasaka sa kanilang bayan na kailangan na ring gumamit ng innovation upang makahabol sa pagbabago ng panahon.
Samantala, sa ngayon pinag-uusapan na ng kanilang tanggapan at ng mga mag-aaral ang pag-aaral pa sa kanilang research project upang magamit ito sa hinaharap hindi lamang sa Camarines Norte kung hindi maging sa buong Pilipinas.