NAGA CITY- Patay ang isang guro matapos na makuryente sa Sitio Lavides Brgy. San Isidro Atimonan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Ma. Jane Claire Leyte Andaya, 22-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na personal na nagpunta sa Atimonan Municipal Police Station ang kapatid ng biktima na si Janeza Leyte Andaya upang ireport ang nasabing insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad nabatid na matapos na maligo, tinanggal ng biktima ang nakasaksak na extension wire na ginamit nito para sa ilaw sa kanilang comfort room kung saan nagin dahilan sa pagkakakuryente nito.

Dahil sa nasabing insidente, natumba si Jane sa sahig, kung saan nakita naman ito nang kanyang kapatid at agad na humingi ng tulong upang maisugod sa ospital ang biktima.

Agad naman sanang naitakbo sa ospital si Jane pero ideneklara ring dead-on-arrival ng mga doktor dahil sa tinamo nitong internal 3rd degree burn.