Patuloy na nararanasan sa Bicol Region, partikular sa Camarines Sur, ang pag-ulan dulot ng umiiral na Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ian Neil Nuñez (Officer-In-Charge, CBSUA-Pili AGROMET Station), ipinaliwanag nito na ang habagat ay pinalalakas ng mga tropical cyclone na nasa labas man o loob ng Philippine Area of Responsibility. Dahil dito, inaasahan ang patuloy na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa kabilang ang Bicol.

Ayon kay Nunez, kahit wala na ang Bagyong Domeng, magpapatuloy pa rin ang mga pag-ulan dahil sa epekto ng habagat. Dagdag pa niya, ang kasalukuyang kondisyon ng hangin at paglipat ng panahon mula La Niña patungong El Niño ay nag-aambag din sa pagbabago ng weather pattern sa bansa.

Sa kabila ng mga pag-ulan, nananatili pa rin ang mataas na heat index sa ilang lugar dahil sa mataas na antas ng halumigmig. Umaabot umano ito sa 43 hanggang 46 degrees Celsius na nararamdamang init sa ilang bahagi ng rehiyon.

Advertisement

Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng pagbaha at landslide, lalo na sa mga low-lying areas at mga lugar na may matatarik na lupain. Pinapayuhan ang publiko na maging maingat dahil maaaring magdulot ng biglaang pag-ulan ang habagat sa iba’t ibang oras ng araw.

Samantala, inaasahan pa rin ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga susunod na araw, bagama’t posibleng makaranas ng bahagyang pagbuti ng panahon sa weekend. May binabantayan ding posibilidad ng pagbuo ng panibagong low pressure area o bagyo sa loob ng Philippine Area of Responsibility sa pagitan ng Hunyo 8 hanggang 14.

Ayon sa datos, maaaring makaranas ang bansa ng isa hanggang dalawang bagyo ngayong Hunyo, habang mas marami pa ang inaasahan sa mga susunod na buwan bago unti-unting humina ang aktibidad ng bagyo pagsapit ng huling bahagi ng taon.

Patuloy na pinapayuhan ang publiko na makinig sa mga abiso ng PAGASA at ng mga lokal na awtoridad upang maiwasan ang anumang sakuna na dulot ng pabago-bagong lagay ng panahon.

Advertisement