NAGA CITY – Susorpresahin pa sana ng mga anak ng ginang na sinaksak-patay sa Adiangao, San Jose, Camarines Sur ang kanilang ina sa araw ng Mother’s Day, ngunit hindi na ito natuloy pa dahil sa trahedyang nangyari sa kanilang pamilya.
Mababatid, una ng kinilala ang biktima na si Felecita Rosales-Delos Santos, 65-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jeza Delos Santos, bunsong anak ng biktima, sinabi nito na parang gumuho ang kanilang mundo ng maabutan na wala ng buhay ang kanilang ina.
Aniya, inubos pa umano nila ang pera nila para maipanghanda sa Mother’s day at para na rin sa pagdiriwang ng kapistahan sa kanilang lugar.
Labis-labis rin umano ang pagsisisi nito na bumaba pa sila at iniwan ang kanilang nanay sa kanilang tahanan.
Bago kasi nangyari ang nasabing pananaksak, nagkaroon na ng komosyon sa pagitan nila at ng mga suspek matapos umanong lapitan nina alyas Kano at Wejay ang dalawang pamangkin nito kung saan bigla na lamang na sinuntok ni alyas Kano ang isa sa mga ito, habang hinampas naman ng bote sa ulo ni Wejay ang isa pa.
Dahil dito nagkaroon ng kaguluhan at nagkanya-kanya silang nagsipulasan sa iba’t-ibang direksyon.
Dagdag pa ni Jeza, matagal na umanong may galit ang dalawa sa kanilang pamilya dahil pinagbibintangan umano ng mga ito na ang kaniyang nakatatandang kapatid ang naging dahilan ng pagkamatay ng kapatid ng mga suspek at iba pang mga dahilan.
Palagi rin umano silang nakakatanggap ng pagbabanta mula sa mga ito at palaging sinasabi na uubusin ng mga suspek ang kanilang pamilya.
Dahil dito hangad na lamang ng kanilang pamilya na makulong at hindi na makalaya pa ang mga suspek dahil sa takot na baka balikan pa sila ng mga ito.