NAGA CITY – Halos nasa 250, 000 foodpacks na ang naihanda ng Provincial Government ng Camarines Sur na nakatakdang ipamigay sa mga residente ng lalawigan na labis na naapektuhan ng enhanced community quarantine.
Sa impormasyong ipinalabas ni CamSur Governor Migz Villafuerte, sinabi nitong nasa 5 kilo ng bigas ang bawat foodpacks na ipapamigay sa mga pamilya mula sa 1,036 barangay sa lalawigan.
Maliban sa naturang bilang, may 250,000 foodpacks pa na ipu-purchase ang lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Villafuerte na mabibigyan lahat kung kaya inatasan aniya ang mga empleyado ng Kapitolyo na personal na mag-abot sa bawat barangay upang maiwasan ang isyu ng pilian at pulitika sa gitna ng krisis na kinakaharap.
Samantala, tiniyak naman ni Villafuerte na ipapatupad ang social distancing sa bawat relief distribution.
Nabatid na kahapon, una nang naabutan ng tulong ang mga residente mula sa bayan ng Baao.
Una nang tiniyak ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) na nakahanda na rin ang kanilang dagdag na tulong na nakatakdang ibigay sa mga LGUs sa buong rehiyon.