NAGA CITY- Target ng Department of Health (DOH)-Philippines na maabot ang herd Immunity sa Bicol Region sa pagpasok ng 2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Asec. Nestor Santiago Jr., ng DOH-Philippines, sinabi nito na kung lahat ng lokal na pamahalaan ang makaabot ng 70% ng populasyon na mga nabakunahan, mabilis na maaabot an herd immunity ng bansa.
Kaugnay nito, pinuri ng opisyal ang patuloy na bakunahan na ginagawa sa lungsod ng Naga kung saan nasa halos 60% na ng populasyon ang nabakunahan na ng 2nd dose.
Sa kabila nito, binigyang diin ni Santiago ang kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Sinabi pa nito na malaking bagay kung bakunado laban sa nasabing sakit ang isang indibidwal dahil maiiwasan nito na malagay sa kritikal na kondisyon sa oras na mahawaan ng nakamamatay na virus.
Dagdag pa nito, makakatulong din umano ito sa mga hospital beds dahil sa halip na ilaan sa COVID-19 patients, pwede na itong magamit ng ibang pasyente na may ibang sakit.
Aniya, mababawasan din ng bakuna ang mga nahahawaan ng sakit at makakatulong din upang maibalik na sa normal ang ekonomiya sa bansa.
Gayon paman, nagpaalala pa rin si Santiago na mahalagang sumunod sa mga health protocols .
Kahit na nga hindi na obligado ang pagsusuot ng faceshield, mahalaga pa rin na protektado laban sa nakamamatay na sakit.
Panawagan na lamang ni Santiago sa publiko na sa kabila ng pagbaba ng kaso ng COVID-19, hindi dapat na maging kampante dahil nariyan pa rin ang pandemya.Top