Pansamantalang isinailalim sa confinement ng mga awtoridad sa France ang mahigit 1,700 pasahero at crew ng isang British cruise ship na nakadaong sa Bordeaux matapos mamatay ang isang 90-anyos na pasahero at makaranas ng sakit sa tiyan ang ilang iba pa, ayon sa mga opisyal.
Ayon sa French authorities, apektado ng insidente ang cruise ship na Ambition na may sakay na 1,233 pasahero, karamihan ay mula United Kingdom at Ireland, at 514 Indian crew members.
Isinailalim sa confinement ang lahat ng nasa barko bilang precautionary measure habang isinasagawa ang imbestigasyon sa sanhi ng pagkamatay ng isang 90-anyos na pasahero at sa pagdami ng mga nagkaroon ng sintomas tulad ng pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Ayon sa mga opisyal, nasa humigit-kumulang 50 katao ang nakaranas ng gastrointestinal symptoms habang nasa biyahe ang barko. Gayunman, nilinaw ng health authorities na walang direktang ugnayan ang insidente sa naunang iniulat na hantavirus scare.
Una nang kinumpirma ng mga awtoridad na negatibo sa norovirus ang mga paunang pagsusuri, ngunit nagpapatuloy pa ang secondary testing upang matukoy ang eksaktong sanhi. Hindi rin inaalis ang posibilidad ng food poisoning.
Nagsimula ang sintomas habang nakadaong ang barko sa Brest, France, habang ang 90-anyos na pasahero ay binawian ng buhay bago pa man makarating ang barko sa hilagang-kanlurang Brittany region.
Ang cruise ship ay naglakbay mula Shetland Islands sa Scotland, dumaan sa Belfast at Liverpool, bago nakarating sa Bordeaux kung saan ito nakadaong habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Sa kabila ng insidente, sinabi ng AFP na walang mahigpit na security restrictions sa paligid ng barko sa Bordeaux at nananatiling nasa deck ang ilang pasahero habang pinagmamasdan ang lungsod.







