Umabot na sa mahigit 4,600 overseas Filipino workers (OFWs) ang nabigyan ng tulong ng pamahalaan habang patuloy ang tensyon sa Middle East, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sa pagdinig ng House Committees on Overseas Workers Affairs at Foreign Affairs nitong Miyerkules, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na 4,608 OFWs na ang natulungan hanggang nitong Martes sa pamamagitan ng mga programa ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Kabilang sa mga naibigay na tulong ang temporary accommodation, financial assistance, pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan, pati psychosocial services.
Ayon kay Cacdac, maaaring nakatanggap ng isa o higit pang uri ng tulong ang bawat OFW.
“Thus far, 4,600 ang natulungan natin. It could be the case na yung 4,600 na yan ay one or two or three modes of assistance ang naibigay natin,” ani Cacdac.
Ipinaliwanag niyang naipagkaloob ang mga tulong sa mga lugar na apektado ng tensyon at sa mga transit hubs tulad ng Hong Kong, Singapore, Malaysia, Manchester sa United Kingdom, at Ethiopia.
Dagdag niya, nakikipag-ugnayan ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang matulungan ang mga Pilipinong nasa mga lugar na walang Migrant Workers Offices, kabilang ang mga OFW na naglalakbay bilang turista nang sumiklab ang sigalot.
Samantala, sinabi ni Cacdac na 380 OFWs na ang nagpahayag ng kahilingang makauwi sa bansa.
“We get the requests, and we’re braced to repatriate. Those who are ready at this stage would be 380,” aniya.
Ayon sa kalihim, naghahanda ang pamahalaan ng dalawang chartered flights alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maiuwi ang mga OFW na nais nang bumalik sa Pilipinas.
Gayunman, aminado si Cacdac na nananatiling hamon ang repatriation dahil sa limitadong airspace at pagkaantala ng mga flight sa ilang bansa sa rehiyon, kabilang ang Kuwait, Bahrain, Qatar, at Israel.
Sa kasalukuyan, tinutulungan ng mga team ng pamahalaan ang mga OFW na makatawid sa pamamagitan ng land border crossings kung saan naka-preposition ang mga tauhan sa magkabilang panig ng hangganan.
Samantala, sinabi ni OWWA Deputy Administrator Patricia Yvonne Caunan na nagdeploy na ng rapid response teams sa mga kritikal na lugar sa Middle East mula pa noong Marso 2 at naglabas na rin ng pondo mula sa Emergency Repatriation Fund (ERF).
Ayon sa OWWA, may nakalaang P1.2 bilyon para sa ERF sa ilalim ng General Appropriations Act, kung saan halos 20 porsyento na ang nagamit para sa patuloy na operasyon at pagtulong sa mga OFW.














